Isasapinal ng GCC ang Unified Tourist Visa Bago Matapos ang 2024

Inilathala noong: November 26, 2024

Ayon sa isang panayam sa Pangkalahatang Kalihim ng GCC na si Jassim Mohammed Al-Budaiwi, matatapos ang pinal na konsepto ng Unified Tourist Visa sa katapusan ng Disyembre 2024.

Ang bagong Unified Tourist Visa (GCC Grand Tours Visa) ay pahihintulutan ang mga turista na makabisita sa lahat ng anim na bansang kabilang sa GCC - Saudi Arabia, the United Arab Emirates, Bahrain, Oman, Kuwait, at Qatar – gamit lamang ang isang tourist visa. Maaaring pumili ang mga bisita alinman sa visa para sa isang partikular na bansa o ang bagong unified Gulf visa, depende sa kanilang plano sa paglilibot.

Sa kasalukuyan, ang mga bisita sa Gulf ay kailangang mag-apply ng hiwalay na visa para sa bawat bansang nais puntahan. Ang bagong Unified Tourist Visa ay magsisilbing isang visa para makapasok sa bansa nang maraming beses, na siyang magpapadali sa pagproseso at paglalakbay ng mga turista na nagnanais makabisita sa iba’t ibang bansa sa Gulf.

Ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na plano upang mapalakas ang ekonomiya, kabilang na rito ang pagbuo ng Gulf Customs Union, na siyang naghihikayat na gawing mas madali ang turismo sa buong rehiyon ng Gulf. Sa pamamagitan nito, ang Gitnang Silangan ang magiging pangunahing destinasyon para sa mga turista.